Babaeng basketbolista pasok sa NBA 3-on-3
MANILA, Philippines - Hindi lamang ang mga kalalakihan kungdi ang mga kababaihang mahihilig sa larong basketball ang mabibigyan ng atensyon.
Mangyayari rin ito sa paglulunsad sa bansa ng kauna-unahang NBA 3-on-3 Philippines na handog ng Sprite mula Hulyo 1- 3 sa SM Mall Of Asia Music Hall.
Mga edad 11 hanggang 19 na lalaki at babae na mahilig sa pinaka-popular na sport sa bansa ang maaaring sumali sa kauna-unahang edisyon ng NBA 3-on-3.
Ramdam ng mga sasali ang kapaligiran ng NBA sa tatlong araw ng laro dahil darating din ang New York Knicks City Dancers na magtatanghal ng kanilang kahusayan sa pagsayaw na napapanood sa halftime ng bawat home game ng Knicks.
Si NBA Legend at All Star Horace Grant din ay tutungo sa bansa upang makiisa sa nasabing programa.
Isang four-time NBA champion sa larangan ng Chicago Bulls (1990-91, 1991-92, 1992-93) at sa Los Angeles Lakers (2000-01), si Grant ay magsasagawa rin ng mga clinics at community events habang nasa bansa bilang bahagi ng NBA Cares.
Kaya sa mga gustong mapabilang sa programa maaari silang magpatala ng hanggang Hunyo 28 at ang detalye ay makukuha sa www.nba3on3.com/Philippines.
- Latest
- Trending