Llamados ibinangon ni Simon sa panalo
MANILA, Philippines - Hindi siya si Stefhon Hannah. Ngunit sa kanyang game-high 33 points, daig pa ni Peter June Simon ang kanilang 5-foot-11 import.
Humugot si Simon ng 17 points sa second period, habang nagdagdag naman si Joe Devance ng 21 at 14 si James Yap upang tulungan ang B-Meg Derby Ace sa 103-90 paggupo sa Powerade sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
May 8 markers lamang si Hannah para sa 1-1 baraha ng Llamados, bumangon mula sa isang 16-point deficit sa first quarter para ipalasap sa Tigers ang ikalawang sunod nitong kamalasan.
“Malaking bagay talaga sila Kerby, Rico, Rafi,” ani Simon sa may mga injury na sina Kerby Raymundo, Rico Maierhofer at Rafi Reavis. “Hopefully, makabalik kaagad sila kasi kami lang ni James ang inaasahan sa ngayon eh.”
Matapos itayo ng Powerade, nakahugot ng 17 points kay 6’6 import Chris Porter, ang malaking 29-13 abante sa 1:59 ng opening period, sumandig naman ang Derby Ace kina Simon, Devance at James Yap upang itabla ang laro sa 39-39 sa 5:12 ng second quarter mula sa kanilang pinakawalang 19-6 atake.
Isang three-point shot ni Simon sa pagsisimula ng third period ang nagbigay sa Llamados ng 52-48 bentahe patungo sa kanilang paglilista ng isang 14-point advantage, 72-58, kontra sa Tigers sa 1:52 nito buhat sa isang undergoal stab ni Jerwin Gaco.
Sa naturang yugto humakot si Simon, may sprained ankle kagaya ni Roger Yap, ng 12 points.
Itinala ng Derby Ace ang pinakamalaki nilang lamang sa 15 puntos, 84-69, galing sa jumper ni Don Allado sa 8:53 ng final canto bago nakalapit ang Powerade sa 88-94 agwat sa huling 1:46 mula kina Porter, Sean Anthony at JR Quinahan.
Ang dalawang freethrows ni Simon at slam dunk ni Marc Pingris buhat sa pasa ni Hannah ang muling naglayo sa Llamados sa 98-88 sa huling 1:01 ng laban.
- Latest
- Trending