MANILA, Philippines - Mag-uunahang makabangon ang apat na koponan sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup.
Magtatapat ang Derby Ace at ang Powerade ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Petron Blaze at Air21 sa alas-7:15 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Pare-parehong nagmula sa kabiguan ang Llamados, Tigers, Boosters at Express sa kanilang unang laro para sa magkakatulad nilang 0-1 baraha kagaya ng Alaska Aces sa ilalim ng Rain or Shine Elasto Painters (2-0), Ginebra Gin Kings (1-0), Talk ‘N Text Tropang Texters (1-0) at Meralco Bolts (1-0).
Nagmula ang Derby Ace sa isang 83-95 pagyukod sa Rain or Shine noong nakaraang Sabado para sa pagbubukas ng season-ending conference sa Tacloban City, habang natalo ang Powerade sa Ginebra, 80-92, noong Linggo.
Isang 100-105 pagkatalo naman ang pinanggalingan ng Petron Blaze mula sa mga kamay ng Meralco, samantalang nakalasap ang Air21 ng 94-116 kabiguan sa Rain or Shine.
At dahil rito, pinauwi na ng Boosters si import Ricky Harris para sa pagpaparada kay Jeremy Wise.
Ang 24-anyos na si Wise ay naglaro para sa Bakersfield Jam sa NBA Development League kung saan siya nagposte ng mga averages na 23.3 points, 4.3 rebounds at 3.3 assists.
Si Harris ay nagtala ng 1-of-9 shooting mula sa three-point range para sa kanyang 3-of-15 fieldgoals kontra sa Bolts.
Bukod sa mahinang import, ang pagkakaroon rin ng injury nina Kerby Raymundo, Rico Maierhofer, Rafi Reavis, PJ Simon, Roger Yap at ang bagong hugot na si Joe Devance ang problema ngayon ni Llamados’ coach Jorge Gallent.
Matapos ang isang hip injury, nagkaroon naman ang 6-foot-6 na si Raymundo ng isang left ankle sprain injury, habang sa susunod na PBA season na makakabalik ang 6’7 na si Maierhofer dahil sa ACL (Anterior Cruciate Ligament) injury nito.
Ang 6’7 na si Reavis ay nagpapagaling sa kanyang dislocated hand, samantalang may mga sprain sina Roger Yap at Simon at may back spasms naman ang 6’7 na si Devance.
Bukod sa Derby Ace, nasa injury list rin sina Mac-Mac Cardona at Marlou Aquino ng Meralco, Gary David ng Powerade at sina Enrico Villanueva at Billy Mamaril ng GInebra.
Si Cardona ay may calf strain at isang hamstring injury ang nagpaupo sa 6’8 na si Aquino.