MANILA, Philippines - Hinahabol pa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pagpasok ng national women’s team sa FIBA Asia Women’s Championship sa Nagasaki, Japan mula Agosto 21 hanggang 28.
Nalagay sa alanganin ang Pilipinas na masali dahil hindi agad ito nagkumpirma ng pagsali na ang deadline ay itinakda noon pang Abril 10.
Pinadalhan ng FIBA Asia ang Pilipinas ng confirmation letter noon pang Marso 15 pero sa di malamang dahilan ay hindi agad na naaktuhan ang bagay na ito.
Ang Pilipinas ay kampeon sa SEABA women’s championship na ginawa sa Pilipinas noong nakaraang taon nang talunin ang Thailand kaya’t nararapat na masama sa nasabing kompetisyon.
Sa Level II sana lalaro ang Pilipinas kasama ang Malaysia, Kazakhstan, Uzbekistan, Sri Lanka, Indonesia at Singapore.
Nagpapasaklolo ang SBP sa pamunuan ng FIBA Asia sa pangunguna ng secretary general Dato Yeoh Choo Hock na bumisita sa bansa at sinaksihan ang FIBA Asia Champions Cup na kung saan ang Smart Gilas Pilipinas ay tumapos lamang sa ikaapat na puwesto.