Top Rank nakikipag-usap na sa HBO, Showtime para sa pag-ere ng Pacquiao-Marquez fight
MANILA, Philippines - Matapos maitakda ang 'trilogy' nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez, ang magsasaere naman ng nasabing laban ang pinaplantsa ngayon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Sinabi kahapon ni Arum na kasalukuyan nang nakikipag-usap si Top Rank president Todd duBoef sa mga kinatawan ng Showtime at HBO Sports.
Matatandaang pinili ni Arum ang Showtime, nakatambal ang CBS network, at hindi ang dati na niyang kasamang HBO para sa laban ni Pacquiao kay Sugar Shane Mosley noong Mayo 7.
Ilan sa mga bagay na naging dahilan ng paglipat ni Arum sa Showtime, naglagay rin ng 'Fight Camp 360°' para sa Pacquiao-Mosley fight, ay ang hindi pagpo-produce ng HBO ng isang '24/7' series para sa naunang laban ni Pacquiao kay Joshua Clottey.
Ang CBS, ang mother company ng Showtime, ay may audience reach na 115 milyon kumpara sa 30 milyon ng HBO.
Nakatakda ang ikatlong pakikipagharap ng 32-anyos na si Pacquiao sa 38-anyos na si Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Taglay ng Filipino world eight-division champion ang kanyang 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, habang dala ni Marquez ang 52-5-1 (28 KOs) para sa napagkasunduan nilang 144-pound catchweight fight. Itataya ng Sarangani Congressman ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Marquez.
Sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, isang draw pa rin ang nailusot ni Marquez sa kanilang unang laban ni Pacquiao noong Mayo ng 2004.
Tinalo naman ni Pacquiao si Marquez sa kanilang rematch noong Hunyo ng 2008 via split decision upang agawin sa Mexican sa dating hawak nitong WBC super featherweight crown.
- Latest
- Trending