U-16 basketball team palalakasin ng 2 Fil-Am
MANILA, Philippines - Patatagin pa ang Energen Pilipinas U-16 basketball team ang laban sa dalawang malalaking torneo sa pagkuha sa serbisyo ng dalawang Fil-Americans.
Sina Louie Boy Brill, na anak ng dating Northern Cement guard Louie Brill, at si Adam King Gupilan ay darating sa bansa sa huling linggo ng buwang kasalukuyan upang samahan ang 20-man pool na naghahanda para sa 2nd SEABA U 16 Championship at sa FIBA Asia U16 Championship for Junior Men.
Ang SEABA ay lalaruin mula Agosto 9 hanggang 13 sa Banting City, Selangor, Malaysia at ang mangungunang dalawang koponan ay aabante sa FIBA Asia mula Oktubre 18 hanggang 28 sa Nha Trang Vietnam.
May taas na 5’11 si Brill at palalakasin ang guard spot habang 6’4 naman si Gupilan bukod sa timbang na 200 lbs. at sasandalan sa husay sa ilalim.
“Parehong mahusay sina Brill at Gupilan at malaki ang maitutulong nila sa kampanya ng team,” wika ni dating PBA player at ngayon ay national coach Olsen Racela nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon.
Sa ngayon ay bumalik na sa kani-kanilang paaralan ang mga nasa pool upang maghanda naman para sa NCAA at UAAP season.
Limitado man ang gagawing practice sessions, hindi naman nababahala si Racela dahil sa tindi ng ensayo na ginawa nila nitong bakasyon.
Kasama nga sa paghahanda ng koponan ay ang pagdalo sa Elite Training Camp na hawak ni Ed Schilling ng Champions Academy sa US.
Sumali rin sila sa Fil-Oil at tumapos sa ikalawang puwesto sa juniors division at nagdaos din ng mga tune-up games sa mga collegiate teams.
Pananatilihin ang 20-man pool ilang linggo bago ang SEABA dahil nakikipag-ugnayan pa ang koponan at SBP sa pamunuan ng NCAA at UAAP para maisaayos ang pagpapahiram ng kanilang manlalaro.
- Latest
- Trending