MANILA, Philippines - Pagkakataong makita ang Great Wall of China ang isa sa magpapainit sa mga runners na sasali sa Rexona Adventure 2011 Run na gagawin sa SM Mall of Asia sa Hulyo 24.
Ang tampok na karera ay sa 21-k half marathon at bukod sa libreng pagbiyahe patungong China ay mag-uuwi rin ng P10,000 gantimpala ang mga magkakampeon sa kalalakihan at kababaihan.
Mayroon ding side events tulad ng 10K, 5K at 3K at sinahugan din ito ng premyo sa unang tatlong darating sa meta.
Halagang P7,000, P5,000 at P3,000 ang inilaan sa 10K, P5,000, P4,000 at P3,000 ang sa 5K at P3,000, P2,000 at P1,000 naman sa 3K.
“Kakaiba ang patakbo na ito dahil bukod sa cash prizes ay may all-expenses paid trip sa Great Wall of China pa ang makukuha ng mga magkakampeon sa 21K runners. Dahil dito ay kampante kami na maraming runners ang sasali rito,” pahayag ni Anne Remulla na Rexona brand manager sa paglulunsad ng patakbo kahapon sa Milky Way sa Makati City.
Ang registration ay nagsimula na at magtatagal hanggang Hulyo 23 sa RUNNR at R.O.X. stores sa Bonifacio High Street.
Puwede ring magpalista sa Toby’s SM Mall of Asia, Planet Sports Glorietta at Trinoma, The Athlete’s Foot Alabang Town Center, Robinson’s Galleria at Stoked sa Greenhills, Rockewell at Gateway Mall.
Magkakaroon din ng mga palaro sa mga non-runners na gagawin mula Hulyo 23 at 24.