Kung ikaw si B-Meg coach George Gallent, siguradong nadidismaya ka na sa pangyayaring hindi na makumpleto-kumpleto ang line-up mo sa kasalukuyang 36th PBA season.
Palaging mayroong kulang.
Isipin ninyo ‘yun! Buhat nang mahawakan niya ang Llamados bilang kapalit ni dating head coach Paul Ryan Gregorio na lumipat sa Meralco Bolts ay palaging undermanned ang B-Meg. Aba’y nakakasakit ng ulo’t damdamin ang sitwasyong ito.
Natural nang palitan ni Gallent si Gregorio ay hinangad niya na magkaroon ng magandang debut at masundan ang yapak ng kanyang predecessor. Hindi nga ba’t noong nakaraang season ay naihatid ni Gregorio sa kampeonato ng PBA Philippine Cup ang koponang dating kilala bilang Purefoods Tender Juicy Giants sa pamamagitan ng 4-0 sweep sa Alaska Milk?
Well, sa nakaraang Philippine Cup ay naigiya naman ni Gallent sa semifinals ang B-Meg pero hanggang doon na lang. Nabigo silang umusad sa Finals dahil natalo sila sa Talk ‘N Text na naging eventual champion.
Kahit paano’y malaking achievement na rin iyon considering na sa kabuuan ng torneo ay hindi nila nakasama sina Kerby Raymundo at Rafi Reavis na kapwa nagtungo sa Estados Unidos para magpaopera at sumailalim sa rehab. Na-miss din nila sa ilang games si Marc Pingris. Si James Yap naman ay naglaro nang may maskara matapos na magpaopera sa ilong.
Sa Commissioners Cup ay nagbalik si Raymundo at nakapaglaro ng limang games kung saan nag-average ito ng 13.2 puntos, 8.6 rebounds, dalawang assists at 1sang steal sa 30 minuto. Pero hindi pa rin napakinabangan si Reavis.
Ang masaklap nito’y nagkaroon ng knee injury si Rico Maierhofer na siyang Rookie of the Year noong nakaraang season. Kinailangang operahan ito upang ayusin ang napunit na anterior cruciate ligament. Hindi na nila makakasama si Maierhofer hanggang sa katapusan ng season.
Pagkatapos ay tila napeste ang Llamados dahil sunud-sunod na nagtamo ng injuries sina James at Roger Yap, Don Carlos Allado at Jonas Vilanueva. Hayun ay hindi man lang nakarating sa quarterfinals ang B-Meg at maagang nagbakasyong kagaya ng San Miguel Beer, Powerade at Rain or shine.
Papasok sa PBA Governors Cup na magsisimula bukas sa Tacloban City, Leyte, nakuha ng B-Meg si Joe Devance buhat sa Air 21 kapalit nina Niño Canaleta at Jondan Salvador.
Pero hindi pa rin sila lubos na malakas. Kasi, injured ulit si Kerby Raymundo. Hindi pa rin makapaglalaro sina Reavis at Roger yap.
Aba’y patuloy silang napepeste!
Kahit anong ganda ng kanilang paghahanda, kung kulang naman sa materyales at may krisis sa manpower, paano aangat ang Llamados?
Natural na sa pagpasok sa giyera ay dapat kumpleto sa sandata at bala. Kapag kulang-kulang, mahirap lumaban!
Kung ikaw si Gallent, mapapailing ka na lang talaga.
Wala na siyang magagawa kung hindi ang ibuhos ang kanyang makakaya sa sandata at bala na available sa kanya!