Llamados vs Painters sa 2011 PBA Governors Cup; Barako Bull binili ng Lina Group

MANILA, Philippines -  Kagaya ng dapat asahan, kumpiyansa si coach Yeng Guiao na makakapa­sok ang kanyang Elasto Painters sa semifinal round ng 2011 PBA Governors Cup.

“I expect my team to make the semis and I don’t dis­count pulling off surprises,” wika ni Guiao sa Rain or Shine na sasagupa sa Derby Ace ngayong alas-6 ng gabi sa Tacloban Convention Center.

Mula sa pagiging se­venth-placer sa nakaraang PBA Philippine Cup, umakyat ang Elasto Pain­ters sa pang anim sa Commissioner’s Cup, habang buhat sa ikaapat sa Philippine Cup ay nahulog ang Llamados sa pang pito sa Commissioner’s Cup.

Para palakasin ang kanilang kampanya, hinugot ng Rain or Shine si 6-foot-2 15/16 import Arizona Reid, isang dating two-time Big South Conference Player of the Year awardee ng High Point University.

Nakapaglaro rin si Reid sa Italy, Australia at Lebanon.

Kinuha naman ng Derby Ace si Stefhon Hannah bukod pa sa paglipat sa kanila ni dating Alaska Milk forward Joe Devance sa pamamagitan ng trade.

Ang 6’7 na si Devance ang nanguna sa statistical points para sa Best Player of the Conference sa nakaraang Philippine at Commissioner’s Cup.

Dinala ng Alaska si De­vance sa Air21 kung saan naman siya ibinigay sa Derby Ace kapalit nina KG Canaleta at Jondan Salvador.

Nauna nang nakuha ng Express si Devance mula sa Aces kapalit ni 6’8 Jay-R Reyes at ang kani­lang 2011 at 2012 second round picks.

Bukod sa Derby Ace, magpaparada rin ng import na may height limit na 6’2 ang back-to-back champions Talk 'N Text, Ginebra at Petron Blaze, dating San Miguel Beer.

Ang Rain or Shine ay magsasalang ng 6’4 import katulad ng Meralco, Air21 at Alaska, habang isang 6’6 import naman ang itatampok ng Powerade.

Ang iba pang imports na makikita sa Governors Cup ay sina Maurice Baker ng Talk 'N Text, Ricky Harris ng Petron Blaze at ang mga balik-imports na sina Chris Porter ng Powerade, Jason Forte ng Alaska, Chamberlain Oguchi ng Meralco at Alpha Bangura ng Air21.

Samantala, binili na ng Lina Group of Companies (LGC) ang prangkisa ng Barako Bull.

Nagkasundo ang LGC at ang Energy Food and Drink (EFD) Corp. na bilhin ang Barako Bull ball club. At alinman sa Burger King o Mail & More ang kanilang gagamitin.

Show comments