MANILA, Philippines - Iitnakbo ni Glenn Aguilar ang titulo sa Freestyle, ang pinakabagong ipinakikilalang kategorya sa larangan ng Motocross, sa ginaganap na Enersel-CEO JYL Invitational Cup sa Quirino Province.
Kinolekta ng 2009 Asian Motocross champion ang halos perpektong 30-30-29 puntos mula sa tatlong hurado para sa pinakamataas 89.0 puntos.
Sumegunda kay Aguilar si Kimboy Pineda na nagtala ng 27-29.5-24 puntos para sa kabuuang 80.5 upang iuwi ang ikalawang puwesto kasunod si Weng Yapparcon na nakakuha naman ng 25-25.7-24 puntos mula sa tatlong hurado para sa kabuuan nitong 74.7 porsiyento tungo sa pagsungkit sa ikatlong puwesto.
Ang Motocross Freestyle ay ang bagong kinahihiligan ngayon ng mga mahihilig sa motorsiklo na unti-unti na rin na ipinakikilala sa bansa sa tulong na rin ni Jay Lacnit, ang pangulo ng Sel-J Sports na siyang nag-oorganisa sa ginaganap na National Motocross Championship sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Una nang sinungkit ni Aguilar ang tropeo sa PRO OPEN matapos manguna sa isinagawang dalawang leg para sa perpektong 25-25 puntos at kabuuang 50.
Pumangalawa muli si Pineda na may 22-22 puntos para sa 44 overall at ikatlo si Ambo Yapparcon na may natipong 20-20 puntos para sa kabuuang 40 overall.
Dalawang tropeo din ang iniuwi ni McLean Aguilar sa paghablot sa 85cc at Beginner Open Production.