MANILA, Philippines - Tatangkain ni Jeson Patrombon na bawian si Kento Takeuchi sa pagkikita ng dalawa sa pagsisimula ng F3 Futures sa Jakarta, Indonesia.
Si Takeuchi ang siyang nagpatalsik kay Patrombon sa second round ng F2 Futures na nilaro sa Surabaya, Indonesia noong nakaraang linggo sa 6-2, 6-1 iskor.
Sixth seed ang 23-anyos na Japanese netter na nakarating hanggang semifinals sa nagdaang kompetisyon pero mismong si coach Manny Tecson ay kumbinsido sa napipintong pagbawi ni Patrombon na isa nang seeded player sa torneong ito.
“We are looking forward to this return match. Jeson and I have talked about our strategy against Kento, I believe he (Patrombon) has learned from his first match against Takeuchi and he will make the necessary adjustments to beat him,” wika ni Tecson.
Sa singles lamang kakampanya si Patrombon sa torneong ito na sinahugan din ng US$10,000 dahil ang napupusuan na kaparehas sana ng pambato rin sa juniors ng bansa na si Fil-Am Dennis Lajola ay umatras sa paglahok dala ng matinding diarrhea.
Tangka ni Patrombon na manalo upang makakuha ng mahalagang puntos at maiakyat ang kanyang men’s ranking na ngayon ay nasa ika-1,562 puwesto.