Roach minaliit si Alvarez
MANILA, Philippines - Bago sagupain si Manny Pacquiao ay mas mabuting harapin muna ni Mexican Saul ‘Canelo’ Alvarez si Armenian Vanes Martirosyan.
Ito ang opinyon kahapon ni trainer Freddie Roach kaugnay sa inialok na $65 milyong guaranteed purse ni Mexican billionaire Carlos Slim kay Pacquiao upang labanan ang world light middleweight champion na si Alvarez sa susunod na taon.
“Everybody is talking about how great he (Alvarez) is. I think Vanes (Matirosyan) would knock him out in one round,” ani Roach sa panayam ng 3morerounds.com.
Nakatakdang idepensa ni Alvarez, may 36-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 26 KOs, ang kanyang hawak na World Boxing Council (WBC) light middleweight crown laban kay Ryan Rhodes sa Hunyo 18 sa Guadalajara, Mexico.
Ang nasabing korona ay nauna nang inangkin ni Pacquiao mula sa kanyang unanimous decision win kay Mexican Antonio Margarito noong Marso ngunit binitawan niya para manatili sa welterweight division.
“Vanes won the eliminator to face him. Let’s see how good ‘Canelo’ really is,” ani Roach sa 25-anyos na si Martirosyan (30-0-0, 19 KOs) na umiskor ng isang seventh-round TKO kay Saul Roman para sa WBC light middleweight eliminator noong Hunyo 4 sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Inalok kamakalawa ni Slim, isang international telecommunications mogul na may net worth na $59 hanggang $ 67.8 bilyon at nakikipag-usap umano sa Team Pacquiao at kay Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, si Pacquiao ng $65 milyon para sagupain si Alvarez sa 2012.
Nakatakdang idepensa ng 32-anyos na si Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight belt laban kay Mexican Juan Manuel Marquez (52-5-1, 38 KOs) sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito ay gagawin sa napagkasunduang catchweight fight sa 144-pounds.
- Latest
- Trending