Alcala, Gadi kampeon sa PBaRS 2nd leg
MANILA, Philippines - Inangkin nina Malvinne Alcala at Antonino Gadi ang Open singles crowns, habang napanatili naman nina Bianca Carlos at Joper Escueta ang kanilang mga Under-19 singles titles sa MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament kahapon sa Pohang Badminton Courts sa Bacolod City.
Binigo nina Alcala at Gadi ang mga karibal na sina Gelita Castilo at Paul Vivas, ayon sa pagkakasunod, upang sikwatin ang premier division ng nasabing P1 million event at ibinulsa ang tig-P70,000 premyo.
Si Alcala, ang naghaharing Singapore at Australian Juniors champion na hindi nakalaro sa kickoff leg ng four-stage circuit na proyekto nina Philippine Badminton Association chief Vice President Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny V. Pangilinan, ay bumawi mula sa kanyang opening set loss para talunin si Castilo, 15-21, 21-19, 21-10.
Kinuha naman ni Gadi ang isang 21-17, 16-21, 21-12 panalo kontra kay Paul Vivas upang makopo ang dating titulo ni Patrick Natividad sa torneong suportado ng official equipment sponsor Victor.
Ipinoste ni Carlos ang kanyang 21-10, 21-15 tagumpay laban kay Ana Patricia Barredo para patuloy na dominahin ang U-19 girls division ng weeklong ranking tournament na itinataguyod ng PLDT-Smart Foundation, Gatorade at Powersmash katuwang ang The Philippine STAR, TV5, Badminton Extreme Philippines Magazine, Jam 88.3, Wave 89.1, Magic 89.9, 99.5 RT at 103.5 WOW! bilang mga media partners.
Sa kabilang dako, sinikwat ni Escueta ang U-19 boys title matapos ang 21-12, 21-12 pananaig kay John Kenneth Monterubio. Nagbulsa sina Carlos at Escueta ng P20,000.
- Latest
- Trending




















