Gilas taob sa Iran sa semis
MANILA, Philippines - Kasabay ng pagkawala sa laro ni JV Casio ay ang tsansa ng Smart-Gilas Pilipinas na maihirit ang laban sa overtime nang lasapin ang 77-80 kabiguan sa mga kamay ng Mahram-Iran sa semifinals ng 22nd FIBA Asia Champions Cup kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakuha ni Casio ang huli niyang foul sa huling 11 segundo sa tangkang pagpigil sa oras dahil angat ang Iranian team sa 78-77.
Pinabayaan ni M. Samad Nikkhad Bahrami ang aksyong ito ni Casio nang isalpak ang dalawang freethrows bago ang Gilas mismo ang nakaramdam ng pagkawala ng manlalarong naghatid ng limang tres tungo sa 21 puntos dahil nagsisablay ang sana’y panablang tres na ipinukol nina Mark Barroca at Marcio Lassiter.
Nakakapanghinayang ang pagkatalong nalasap ng koponan ni coach Rajko Toroman dahil humabol sila mula sa 39-45 halftime deficit at huling itinabla ang laro sa 65-all sa ikalima at huling tres ni Casio.
Pero nagbago ang timpla ng opensa ng Gilas at agad itong sinamantala ng Iran sa pamamagitan ng 12-5 bomba para kunin ang 77-70 kalamangan.
Sinikap ni Chris Tiu na ibangon ang koponan nang maghatid ng limang puntos at matapos ang split ni Bahrami ay pumukol ng jumper si Casio para ilapit sa 77-78 ang Nationals.
Limang manlalaro ng Iran sa pangunguna ni Bahrami na may 19 puntos ang may doble-pigura, habang si Marcus Douthit ang ikalawang manlalaro ng host team na kumamada nang husto sa kanyang 25 puntos at 13 rebounds.
Dahil sa kabiguang ito, ang Pilipinas ay nalaglag na lamang sa labanan para sa third place trophy kontra sa matatalong koponan sa pagitan ng Al Riyadi-Lebanon at Al Rayyan-Qatar.
Ang mananalo sa Lebanon at Qatar ang makakalaro ng Iran sa finals.
Tinalo naman ng Al Jala'a ng Syria ang Al Ittihad ng Saudi Arabia, 85-77, para makatapat ang ASU-Jordan, tumalo sa Duhok-Iraq, 98-90, sa isa pang consolation game, para sa fifth place trophy.
Iran 80 – Bahrami 19, Samb 17, Kamrani 17, Williams 16, Afagh 11, Davari 0, Davoudi 0, Kardoost 0.
Smart Gilas Pilipinas 77 – Douthit 25, Casio 21, Lassiter 8, Aguilar 8, Tiu 7, Lutz 4, Barroca 2, Hontiveros 2, Taulava 0, Baracael 0.
Quarterscores: 20-21; 45-39; 62-62; 77-80.
- Latest
- Trending