Manila, Philippines - Nag-iinit na ang mga makina ng mga Pilipinong motocross riders para sa Governor Junie E. Cua Invitational Motocross Cup at sa ikatlong yugto ng CEO JYL Invitational Challenge ngayong araw sa probinsiya ng Quirino.
Ito ang ikaanim na yugto ng 2011 Enersel Forte Philippine national motocross series at inaasahang lalahukan ng halos 100 karerista sa pamujmuno nina national racers Jovy Saulog, Glenn Aguilar at Donark Yuson.
Ang Golden Wheel Awardee at kauna-unahang kampeon ng Asian Motocross na si Aguilar ang bumandera sa Pro-Lites at Pro-Open events sa ikalimang yugto ng serye noong Mayo 21 at 22 sa Dipolog City.
Ang karera ay inorganisa ng lokal na Dipolog Cycles Unlimited, isang 30-taong motorcycle club sa siyudad, at kasabay ng taunang piyesta ng Dipolog, ang “Hudyaka Zanorte.”
Ang Quirino motocross event ay bukas sa beginners, intermediate class, 65 CC, team race, executive A- 35 years old and above, 50cc Novice Local Open endure, Under Bone Open, Team Race (novice, intermediate, pro), Pro Open, Novice B Lites at Executive C, at Beginner Production B.
Sa Hunyo 25 at 26, babalik ang serye sa Lanao del Norte para sa 7th Leg.