Iran, Lebanon kakasa sa semis
Manila, Philippines - Walang hirap na umabante sa semifinals ang two-time defending champion Mahram-Iran nang kanilang durugin ang Al Ittihad-Saudi Arabia sa 2011 FIBA Asia Champions Cup knockout quarterfinals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Isang 18-0 start ang ginamit ng Iran upang agad na alisan ng kakayahang lumaban ang Saudis at lumapit pa sa dalawang panalo tungo sa asam na ikatlong sunod na titulo sa ligang inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at binasbasan ng FIBA-Asia.
“We have been having a little trouble at the start in all our games here. I think we took care of that today,” wika ni Mahram coach Mehran Shahintab.
Si Samb Cheikh Tidian ay mayroong 18 puntos kasama ang 3 blocks upang pamunuan ang anim na Iranians na umiskor ng hindi bababa ng 10 puntos.
Ang import na si Christopher Williams ay mayroong 14 puntos at anim na assists habang 10 rebounds at 10 puntos ang ibinigay naman ni Oshin Sahakian para sa Mahram na gumawa ng 51% shooting (37 of 72) bukod pa sa pagdodomina sa 42 – 19 at assists, 24 – 12.
Ang mga imports ng Al Ittihad na sina Darren Kelly at Vladislav Dragajlovic ang nagdala ng laban para sa kanilang koponan sa 24 at 19 puntos ngunit ang pinakamataas na local player na umiskor ay si Aiman Almadani sa 7 puntos para malaglag ang koponan sa labanan para sa ikalima hanggang ikawalong puwesto.
Nauna namang umusad sa Final Four ang Al Riyadi-Lebanon na inilampaso rin ang Duhok-Iraq, 106-80.
Nagbaga ang mga kamay ng Lebanese players sa ikalawang yugto nang umiskor sila ng 35 puntos para hawakan ang 60-34 kalamangan.
Si Jean Abd El Nour ay mayroong 24 puntos mula sa 10 of 12 shooting habang 21 naman ang ginawa ng kamador na si Fadi El Khatib para sa nanalong koponan na gumawa ng 51% shooting (42-of-83).
Ang kalaban ng Iran sa semifinals ay ang mananalo sa pagitan ng Smart Gilas Pilipinas at Al Jala’a-Syria habang kalaro ng Lebanon ang mananalo sa pagitan ng ASU-Jordan at Al Rayyan-Qatar.
- Latest
- Trending