MANILA, Philippines - Hindi nababahala si PSC chairman Ricardo Garcia sa pagdulog ng mga karatekas sa tanggapan ni Senador Antonio Trillanes para humingi ng tulong matapos alisin sila sa talaan ng mga sinusuportahang atleta ng Komisyon.
Ang pagiging kasapi ng military ang siyang binanggit ni Garcia na magreresulta upang katigan ng butihing Senador ang salitang disiplina na siyang hindi nagawa ng mga nagrereklamong atleta.
Nagdesisyon ang PSC chairman na alisin sa talaan na atletang binibigyan ng allowances at libreng tirahan mula buwan ng Hunyo na sina Marna Pabillore, Sharif Afif, Jan Paul Morales, Raymund Mejico at Renato Manalo matapos di maglaro sa Philippine National Games.
Tumungo ang lima sa Bacolod City at pinondohan ng PSC pero hindi sila sumali nang igiit na sa open weight sila dapat lumaro base sa namahala ng karatedo event.
Hindi pumayag ang lima dahil sa pangambang magkakasakitan lamang at makakaapekto ito sa kanilang paghahanda para sa Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Tuluyan namang nagkaroon ng katuwiran ang aksyon ng PSC sa mga nabanggit na karatekas dahil mismo ang Philippine Karatedo Federation (PKF) na pinamumunuan ng bagong pangulo na si Dr. Enrico Vasquez ay nagbigay ng bagong talaan ng manlalaro sa Komisyon at wala na ang pangalan ng limang karatekas.