MANILA, Philippines - Aminado si coach Chot Reyes na lahat ng koponan ay gustong pigilan ang kanyang Talk `N Text na masilo ang pambihirang Grand Slam sa pamamagitan ng pagkopo sa darating na 2011 PBA Governors Cup.
Ilan sa mga masidhi ang intensyong biguin ang Tropang Texters sa pag-angkin ng kanilang ikatlong sunod na kampeonato ay ang Petron (dating San Miguel) at Barangay Ginebra hanggang sa Meralco at Powerade.
“All teams will be tough,” sambit ni Reyes sa magiging kampanya ng Talk ‘N Text sa naturang season-ending conference.
Maliban sa Tropang Texters, naghari sa nakaraang 2011 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup, ang iba pang koponang magpaparada ng import na may taas na 6-foot-2 sa Governors Cup ay ang Blazers (dating Beermen), Gin Kings at Derby Ace Llamados.
Ipaparada ng PLDT franchise si 6’2 Maurice Baker, naglaro sa Los Angeles Clippers at Portland Trailblazers sa NBA bago kumampanya para sa Dakota Wizards sa NBA Developmental League.
“We may have the weakest and smallest among this crop of imports. We just decided to fly in the best available player who stands 6-2, wika ni Reyes kay Baker, hangad na maibigay sa Talk ‘N Text ang inaasam nitong Grand Slam title na nakamit na ng Crispa Redmanizers, San Miguel at Alaska.
Nagposte si Baker ng mga averages na 10.1 points, 5.0 rebounds at 4.9 assists sa 25 games para sa Wizards.
Nabigyan naman ng pagkakataong makakuha ng mga 6’4 reinforcements ang Alaska, Meralco, Air21 at Rain or Shine, habang tanging ang Powerade ang makakapagbandera ng isang 6’6 import.
Ito ay dahil na rin sa pagiging kulelat ng Tigers sa nakaraang dalawang komperensya.