Devance dinala ng Air21 sa B-Meg
MANILA, Philippines - Mula sa Air21 hanggang sa B-Meg Derby Ace.
Ito ang magiging kapalaran ni dating Alaska power forward Joe Devance matapos dalhin ng Express sa Llamados kapalit nina KG Canaleta at Jondan Salvador.
Ngunit kagaya ng mga nakaraang trade, kailangan pa itong aprubahan ni PBA Commissioner Chito Salud na naunang pumayag sa trade ng Alaska at Air21 para sa 6-foot-7 na si Devance kapalit ni 6’8 Jay-R Reyes.
Sakaling matuloy ang nasabing trade deal ng Express at Llamados, sinasabing ibibigay ng Air21 ang 6’5 na si Canaleta sa Barangay Ginebra.
Samantala, hinugot naman ng Meralco si dating Derby Ace guard Chris Timberlake buhat sa free-agent pool para sa puwestong naiwan ni point guard Chris Ross na halos anim na buwan ang ipapahinga dahil sa kanyang ACL (anterior cruciate ligament) injury.
Ang 5’10 na si Timberlake ay pinakawalan na ng Llamados sa free agent market.
Nagbigay naman ng letter of apology si Gin King Mark Caguioa dahil sa hindi niya pagsama sa 2011 PBA All-Star Week sa Boracay.
Sa kanyang sulat sa PBA Commissioner’s Office, sinabi ni Caguioa na kinailangan niyang samahan ang kanyang ama sa isang medical procedure sa United States.
Tinanggap naman ni Salud ang paliwanag ng Ginebra superstar.
- Latest
- Trending