MANILA, Philippines - Halos limang buwan bago ang 26th Southeast Asian Games sa Indonesia, sinabi kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na handang-handa na ang mga national athletes.
“As far as the preparation for the Southeast Asian Games are concerned, we are on track,” wika ni Garcia sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Matapos maging overall champion noong 2005 sa likod ng nahakot na 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals kasunod ang Thailand (87-78-118), bumagsak ang katayuan ng Team Philippines sa sumunod na dalawang edisyon ng SEA Games.
Pumuwesto sa pang anim ang mga Filipino athletes sa 2007 SEA Games sa Thailand sa naiuwing 41 ginto, 91 pilak at 96 tansong medalya, habang humakot ang mga Thais ng 182 golds, 123 silvers at 101 bronzes.
Nagtapos naman sa pang lima ang delegasyon sa 2009 SEA Games sa Laos sa nakolektang 38 ginto, 35 pilak at 51 tansong medalya kumpara sa nagharing Thailand (86-83-97).
Kumpiyansa si Garcia na makakapuwesto sa Top Three ang bansa sa 2011 SEA Games na idaraos sa Palembang at Jakarta, Indonesia sa Nobyembre 11.
Kabuuang 44 sports events ang inilatag para sa 2011 SEA Games kasama ang dalawang demonstration sports.
Hangad ng Indonesia na makuha ang overall championship ngayong taon sapul noong 1997 laban sa Thailand na dalawang sunod na beses nagdomina noong 2007 at 2009.