Okay na rin kahit hindi nakasama sina Jimmy Alapag at Kelly Williams sa line-up ng Smart Gilas Pilipinas sa kasalukuyang FIBA-Asia Champions Cup
Ito marahil ang nasabi ng mga Pinoy fans na nakasaksi sa 101-69 panalo ng nationals kontra sa Al Ittihad Jedda ng Saudi Arabia sa kanilang unang laro noong Sabado. Aba’y sa first quarter lang nakapagbigay ng magandang laban ang Al Ittihad at pagkatapos ay dinomina na sila ng mga Pinoy.
Ang mga nagbida sa Smart Gilas ay ang mga regular na nitong manlalaro.
Hindi maganda ang naging performances nina Dondon Hontiveros na ipinahiram ng Air21 Express at Paul Asi Taulava na ipinahiram naman ng Meralco Bolts.
Si Hontiveros ay gumawa lang ng isa sa kanyang 11 tira at ito’y lay-up pa. Lahat ng kanyang outside shots ay panay bakal ang tinamaan. Si Taulava naman ay hindi nakapuntos pero nakakuha naman ng anim na rebounds
Well, understandable naman ang nangyaring ito. Kasi nga’y bagong dagdag lang ang dalawang players.
Sa dalawa, si Taulava ang pinakamatagal nang kasama ng Smart Gilas. Nakalaro na niya ang mga nationals sa ilang international tournament.
Pero hindi naman tuluy-tuloy ang kanyang partisipasyon. Kasi nga, noong una’y naglalaro pa siya sa Powerade Tigers. At nung sumunod ay naglaro pa rin siya sa Meralco at dalawang games lang nga ang kanyang na-miss.
Si Hontiveros ay ngayon lang naisama sa Smart Gilas bagamat siya’y beterano na ng ilang international competitions.
Iba siyempore yung total ang concentration o sa isang team kaysa yung hati ang atensyon mo sa dalawang magkaibang sistema at coaches.
So, ito talaga ang dahilan kung bakit hindi puwede sa sistema ni Toroman na maglaro sina Jimmy Alapag at Kelly Williams sa Talk N Text at Smart Gilas nang sabay. Walang mangyayari kapag ganoon ang sistema.
Mabuti na nga lang at pumayag ang Air21 at Meralco na total concentration sina Hontiveros at Taulava sa Smart Gilas. Hindi sila lalaro sa kabuuan ng Governors Cup.
So, nangapa sina Taulava at Hontiveros sa unang laro ng Smart Gilas sa FIBA-Asia Champions Cup. Pero tiyak na habang tumatagal ang torneo ay lalong nakukuha ng dalawang pros na ito ang sistema ni coach Rajko Toroman at lalo nilang nakikilala ang kanilang kakampi. Unti-unti ang proseso siyempre.
Sa totoo lang, hindi naman ine-expect ni Toroman na maging dominante sina Taulava at Hontiveros sa Smart Gilas. Ang nais lang niya ay makatulong ang dalawang ito kahit na kaunti. At malaking bagay ang mga beteranong ito ha.
Si Taulava ay kapalitan ng naturalized center na si Marcus Douthit. Hindi na obligado si Douthit na maglaro ng buong 40 minutes. Hindi siya mapapagod nang husto at mangangambang ma-foul trouble.
Si Hontiveros ay kapalitan naman ni Chris Tiu. Ang maganda kay Hontiveros ay bukod sa opensa niya ay puwede siyang dumepensa. Mahusay na two-way player si Hontiveros. Maipapagpag din niya ang opening day na kamalasan.