Saudi bumawi sa Iraq
MANILA, Philippines - Bumangon agad ang Al Ittihad-Saudi Arabia sa massacre na inabot sa kamay ng Smart Gilas Pilipinas sa pamamagitan ng 83-75 panalo sa Duhok-Iraq sa ikalawang araw ng 22nd FIBA Asia Champions Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
May 27 puntos at 15 rebounds si Serbian import Vladislav Dragajlovic habang 21 puntos ang ibinigay ni Adil Aljuhani para itabla ng Saudi Arabia ang karta sa Group A sa 1-1.
Bago ito ay inilampaso ng Gilas ang nasabing koponan, 101-69 nitong Sabado nang hindi napigilan ng depensa ng Al Ittihad si 6’9 forward Japeth Aguilar na naghatid ng 20 puntos mula sa kahanga-hangang 10-of-11 shooting.
Ang tres ni Aljuhani ang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Al Ittihad, 44-43. Tumapos si Aljuhani taglay ang anim na tres mula sa 14 buslo.
Binuksan naman ng pumangalawa sa Iran sa nagdaang edisyon na Al Riyaddi-Qatar ang kampanya sa torneo sa madaling 90-67 panalo sa Al Jala’a-Syria.
May 30 puntos si Leslie Chauncey, may 21 puntos si Yasseen Musa habang 17 puntos at 17 rebounds ang hatid ni Alban Ngombo para kunin ng Qatar ang unang panalo sa Group B.
Isang 18-0 start sa ikatlong yugto ang siyang nagbigay ng 32 puntos kalamangan sa Qatar, 66-32, na nagselyo na ng kanilang tagumpay at itulak ang Syria sa ikalawang sunod na kabiguan.
Samantala, kasalukuyang naglalaban ang Smart Gilas at ang Malaysia habang sinusulat ang balitang ito.
AL ITTIHAD-SAUDI ARABIA 83--Dragajlovic 27, Aljuhani 21, Kabe 10, Keely 9, Ibrahim 9, Almaghrabi 5, Almadani 2, Alqonisi 0.
DUHOK-IRAQ 75--Gray 22, Giles 16, Al-Doori 10, Gorgiss 8, Mahdi S. 7, Agha 5, Mahdi D. 5, Al-Tameemi 2.
Quarterscores: 21-20, 37-37, 57-50, 83-75.
- Latest
- Trending