Stapleton bata pa lang pangarap ng maging motocross rider
Manila, Philippines - Bata pa lamang si American motocross rider Dennis Stapleton ay mahilig na siya sa mga ‘extreme sports’.
Lumaki sa Santa Cruz, California, USA, isang Yamaha PW 50 ang naging unang motor ni Stapleton sa edad niyang limang taon.
Ngunit nabaling ang atensyon niya sa paglalaro ng soccer hanggang makasali siya sa (MX) noong 1992 sa edad na 12-anyos. Ang kanyang unang karera ay sa 80cc beginner class. At pagkatapos ng karerang iyon, hindi na sila mapaghiwalay ng kanyang bike.
Ang 30-taong gulang na si Stapleton ay nasa ika-11 taon na ng pagiging professional motocros rider na naging isa na niyang career.
“I’m thankful to be a part of such an incredible industry. I consider it to be the greatest sport in the world,” wika ng 5’11 na racer.
Nakapagkarera na siya sa mga pinakamahuhusay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nakakuha na siya ng national points, nakasali sa Supercross night programs, at nakakumpleto ng mahihirap na karera. Lumabas na din siya sa telebisyon at sa mga magazine sa Amerika.
Para kay Stapleton, ang pinaka-kapananabik na parte ng extreme sport ay sa starting gate kung saan ang simula ng rush at sa unang liko. Gusto ng rider mula sa team na Knobby Shop ang motoracing dahil sa bago at iba’t ibang karanasang dulot nito.
Ang mga karanasan na ito ay hindi laging maganda. Ilang beses na ring na-injure si Dennis. Marami na daw masyado siyang baling buto at hindi na niya kayang isa-isahin. Ang mga pinakagrabe ay isang baling buto sa hita, dalawang baling binti, at tatlong ACL na operasyon sa tuhod. Ngunit hindi na alintana ni Dennis ang disgrasya.
Noong 2005, siya ay ika-16 overall sa Lakewood, Colorado, at ito ang pinakamemorable niyang karera.
- Latest
- Trending