Devance dinala na ng Alaska sa Air21
Manila, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon, maglalaro si Joe Devance sa bago niyang PBA team.
Ito ay matapos pagbigyan ng Alaska ang kahilingan ng produkto ng University of Texas-El Paso na mailipat sa ibang koponan sa kabila ng natatanggap na maximum pay na P350,000 bawat buwan.
Wala pang desisyon si PBA Commissioner Chito Salud kung aaprubahan nang tuluyan ang pagdadala ng Alaska kay Devance sa Air21 kapalit ni center Jay-R Reyes.
Ang mas mataas na suweldo ang sinasabing dahilan ng 6-foot-7 Fil-Am, ayon sa isang source.
“Contract issues, mostly,” sabi naman ni Alaska coach Tim Cone sa dahilan ng kahilingan ni Devance na madala sa Air21 bilang kapalit ni Reyes.
Sa kabila nito, tiniyak ni team manager Joaqui Trillo na tatanggap pa rin si Devance ng maximum pay hanggang sa pagtatapos ng kanyang kontrata sa susunod na taon.
Kung maaaprubahan ang naturang trade, sinasanabing iaalok ng Express si Devance sa mga koponang magbibigay ng mas malaking bayad sa kanila.
Ang 2008 top draft pick ay kabilang sa Mythical Second Team noong nakaraang taon at naging kandidato para sa Best Player of the Conference award sa nakaraang Philippine and Commissioner’s Cups.
- Latest
- Trending