MANILA, Philippines - Malaki ang maitutulong ng 22nd FIBA Asia Champions Cup sa ginagawang paghahanda ng Smart Gilas-Pilipinas sa FIBA Asia Men’s Championship sa Setyembre sa China.
Ang Men’s Championship ay isang London Olympics qualifying event at ang magkakampeon dito ang siyang kakatawan sa rehiyon sa 2012 games.
Ang paglahok nga ng mga bigating Middle East teams ang magbibigay daan upang mas makabisado ng mga Filipino cagers ang istilo ng kanilang paglalaro.
“They say these Middle East countries are now the dominant teams in Asia . So I think the Champions Cup will show us how our national team will be doing against them,” pahayag ni dating national coach Joe Lipa.
Si Lipa ang coach ng huling all-amateur national team na nanalo ng bronze medal sa Asian Games noong 1986.
Hindi tulad noon na wala pang alam ang mga ME countries, ang Iran, Lebanon at Qatar ay mga palaban na at ang unang dalawang bansa nga ay kumuha na ng mga Asian titles sa larangan ng basketball.
“They just used to shoot, run and play the game like football. But I think, when they finally began to adapt to the system taught by the American coaches, that’s when things started to turn around,” pahayag pa ni Lipa.
Ang Champions Cup nga ang isang liga na dinodomina na ng ME countries dahil ang Hanwei ng Beijing, China ang huling koponan na hindi Middle East na nanalo noong 1998 sa Kuala Lumpur , Malaysia .
Si Serbian coach Rajko Toroman ang siyang didiskarte sa Gilas na pinalakas sa paglalaro ni naturalized 6’10” center Marcus Douthit bukod pa sa PBA reinforcements 6’10 Asi Taulava at shooter Dondon Hontiveros.
Target nga ng Gilas na maging number one o two sa Group A sa pagtatapos ng eliminasyon upang mas maging magaan ang makakalaban sa knockout quarterfinals.
Naniniwala naman din si Lipa na dapat ay suportahan ito ng manonood dahil bihira lamang makapanood ang mga Filipino basketball fanatics ng ligang nilalahukan din ng mga Middle East countries.
“Espesyal itong tournament na ito dahil ngayon lamang natin makikita ng malapitan ang lakas ng mga Middle East countries kasi dati ay mga Chinese, Koreans at Japanese ang napapanood natin,” ani pa ni Lipa.
Ang ligang lalahukan ng 10 koponan ay magbubukas na sa Sabado sa Philsports Arena at ang Gilas ay mapapalaban agad sa Saudi Arabia sa unang asignatura.