Athletics Pinakinang Nina Torres, Buenavista
BACOLOD CITY, Philippines - Sina Olympians Marestella Torres at Eduardo Buenavista ang patuloy pa ring nagbibida sa kani-kanilang mga events sa athletics competition, habang nagpakitang-gilas si Sheryll Contillo sa gymnastics discipline ng 2011 Philippine National Games dito sa Panaad Track Oval kahapon.
Ito ay matapos angkinin ni Torres ng Laguna ang kanyang ikalawang gintong medalya sa jumping event, samantalang dinomina ni Buenvista ng Philippine Air Force ang 10,000-meter run.
Tumalon ang 2008 Olympic Games campaigner na si Torres ng Laguna ng 12.55m sa women’s triple jump upang ungusan sina Catherine Kay Santos (12.09m) ng Baguio City at Felyn Dolloso (11.91m) ng TMS Ship Agency.
“Masaya ako sa naging performance ko,” sabi ng tubong San Jose, Negros Occidental na si Torres, may personal best na 12.67m na kanyang itinala noong Marso 6, 2004 sa Maynila. “May mga atleta na rin akong nakikita na maaaring sumunod sa akin para mag-represent sa Philippines sa mga international competitions.”
Noong Miyerkules ay sinilo ng 31-anyos na 2009 Asian Championship gold medal winner ang long jump event sa kanyang lundag na 6.38m, malayo sa kanyang personal best, para talunin sina Santos (6.09m) at Dolloso (5.42m).
Ang personal best na 6.68m ang nagbigay kay Torres ng gold medal sa 2009 Southeast Asian Games sa Laos, habang ang naging sapat na ang lundag niyang 6.51m para kunin ang ginto sa 18th Asian Championships sa Guangzhou, China noong 2009.
Itinakbo naman ng two-time Olympian na si Buenavista ang ginto sa men’s 10,000m run sa bilis na 31:59.54 para iwanan sina Julius Sermona (32:02.32) ng Air Force at Hernanie Sore (32:41.45) ng Baguio City.
Tangan ng pambato ng Santo Niño, South Cotabato ang Philippine record sa tiyempong 29:02.36.
Matapos ang pitong gintong hinakot ni Fil-Am Jean Nathan Monteclaro sa men’s division, apat na ginto ang kinolekta ni Contillo sa women’s hoop, ball, ribbon at individual all-around sa rhythmic gymnastics sa San Agustin Gymnasium.
Katulad ni Torres, dalawang gintong medalya rin ang tinubog ni Jesson Ramil Cid ng UAAP Athletics sa men’s 400m hurdles at decathlon sa kanyang mga itinalang 54.6 segundo at 6,287, ayon sa pagkakasunod.
Hinablot din ni Patrick Unso ng De La Salle U ang ginto sa 400m men hurdles sa oras na 54.47 segundo.
Sa fencing, tinusok ni SEAG gold medalist Walbert Mendoza ng Café Ysabel ang gold medal sa men’s sabre na ginawa sa UNO-R Gymnasium.
- Latest
- Trending