Manila, Philippines - Naniniwala si Juan Diaz na madaling panalo ang makukuha ni Manny Pacquiao kay Juan Manuel Marquez kapag natuloy na ang ikatlong pagtutuos sa Nobyembre 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Dalawang beses na naglaban sina Diaz at Marquez at hindi pinalad na makaisa ang una upang mabigo sa hangaring makuha ang WBO at WBA lightweight titles.
Sinaluduhan ni Diaz ang 37-anyos na Mexican fighter dahil sa kanyang husay na magpatama sa kalaban.
“What I respect about him is that he is a very accurate fighter. He’s not the biggest puncher that I’ve fought, but one thing that he does have is that he’s a very accurate puncher, I respect and admire him for that accuracy that he has,” wika ni Diaz.
Pero laban kay Pacquiao, hindi uubra ang ganitong istilo dahil sa katotohanang sa mabigat na timbang ito gagawin.
Itataya ni Pacquiao ang hawak nitong WBO welterweight title sa ikatlong pagtutuos nila ni Marquez pero hindi sa 147 pounds gagawin ang sagupaan kundi sa catchweight na 144 pounds.
“I believe that Pacquiao is going to blow him away,” banat ng 27-anyos American boxer.
“I think that Marquez is out of his league moving up and that was already proven when he fought Floyd Mayweather. I don’t think Marquez gains weight too good. He doesn’t carry the weight too well,” paliwanag pa nito.
Kung kakayanin man o hindi ang mabigat na timbang ang pangalawang bagay lamang na inaalala ni Marquez dahil ang pagkakataong makabawi matapos ang di magandang naipakita sa naunang pagtutuos nila ni Pacquiao ang nais niyang pawiin.
Taong 2004 nang unang naglaban ang dalawa at nauwi ito sa tabla kahit tatlong beses siyang tumumba sa isang round.
Ang ikalawa ay nangyari noong 2008 at nanalo si Pacquiao sa pamamagitan ng split decision, dahil na rin sa isang knockdown kay Marquez.
Pirmado na ni Marquez ang alok na inihain ng Top Rank na kung saan garantiyang $5 milyon ang ibabayad sa kanya sa pagtanggap ng laban.