Krusyal na laban sa Muntinlupa vs Las Piñas

Manila, Philippines - Masasalang sa maha­lagang laro ang nagdedepensang Muntinlupa sa Las Piñas bukas sa hanga­ring manatiling buhay ang asam na maidepensa ang titulo sa idinadaos na 2nd Coca Cola Hoopla NCR Championship.

Sa Muntinlupa Sports Complex gagawin ang laro at ang laro ay itinakda sa alas-4 ng ha­pon at ang mananalo ay mananatiling nasa kontensyon para sa puwesto sa nalalapit na Inter-Zonal ng liga.

Ang Taguig at Pasay ay mahaharap din sa ganitong laro sa ganap na alas-6 ng gabi sa Ligid-Tipas sa Taguig.

Ang mga koponang ito ay nasa South at ang Pasay ang nangunguna sa 4-1 habang ang Taguig (3-1), Muntinlupa (3-2), Las Piñas (2-3) at Parañaque (0-5) ang nasa sumunod na puwesto.

Nagkaroon ng laro nitong Miyerkules sa Inter-City at dinomina ng Mandaluyong ang Manila, 104-70, upang makabalik agad sa winning track.

Bago ito ay nalasap ng Mandaluyong ang unang kabiguan matapos ang 4-0 panimula nang masorpresa sila ng San Juan. 

Show comments