Gilas vs Saudi sa opening game ng Champion's Cup
MANILA, Philippines - Makakalaban agad ng Smart Gilas Pilipinas ang Saudi Arabia sa pagbubukas ng 22nd FIBA Asia Champions Cup sa Mayo 28 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ang Saudis ay kakatawanin ng Al Ittihad at ipaparada ang dating Gilas import CJ Giles bilang isang import habang ang coach na si Nenad Krdiic ay dating assistant coach ni Serbian coach at Gilas coach Rajko Toroman sa Serbia sampung taon na ang nakalipas.
Nasa Group B ang host country at sunod nilang laro ay ang WKL Dragons ng Malaysia sa Mayo 29, Duhok ng Iraq sa Mayo 31 at ASU ng Jordan sa Hunyo 1.
Alam ni Toroman na mahirap na laban ang laro ng Gilas sa Saudi Arabia dahil nga kina Krdiic at Giles na naglaro na rin sa Lebanon sa Doha noong nakaraang taon pero hindi na kinuha uli para lumipat naman sa Saudi.
Mas mabigat naman ang labanan sa Group B dahil naririto ang mga malalakas na koponan sa pangunguna ng three-time defending champion I.R. Iran-Mahram, Lebanon-Al Riyadi, Qatar-Al Rayyan, Syria-Al Jala’a at UAE-Al Shabab.
Ang mangungunang apat na koponan sa bawat grupo ang aabante sa crossover knockout quarterfinals upang madetermina ang mga maglaro sa semifinals.
Hanap ni Toroman na makapasok ang koponan sa semifinals lalo nga’t maganda ang ipinakita ng Gilas sa PBA Commissioner’s Cup gamit ang naturalized player Marcus Douthit.
Lalakas pa ang koponan dahil lalaro rin ang PBA reinforcements Paul Asi Taulava at Dondon Hontiveros.
Ang paglahok ng Gilas sa torneong ito ay bahagi rin ng kanilang paghahanda para sa FIBA Asia Men’s Championship sa Wuhan China na kung saan ang magkakampeon dito ang magiging kinatawan ng rehiyon sa London Olympics sa 2012.
- Latest
- Trending