MANILA, Philippines - Nais ng kambal na Fil-Ams na sina Jean Nathan at Christian Monteclaro na mapabilang sa Pambansang koponan sa gymnastics na lalaro sa 26th Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia.
Ang mga Monteclaro ay dumating nga sa bansa para sumali sa National Games sa Bacolod City at maipakita ang angking husay na posibleng magsama sa kanila sa pambansang koponan sa SEAG.
“It would be a great honor for us to compete for the mother country of our parents in Indonesia,” wika ni Jean Nathan nang dumalo sa PSA Forum kahapon.
“We’ve never represented a country before and we’re excited. I just hope to make the Philippine proud in the SEA Games,” dagdag naman ni Christian na nanalo naman ng pilak sa US National Championships Open sa Ohio nitong Abril suot ang University of California Los Angeles-Berkeley team.
Ang lolo ng kambal ay si Eddie Monteclaro na dating pangulo ng National Press Club kaya natutuwa ang ama nilang si Felipe sa interest na ipinakikita ng mga anak na maglaro para sa bansa.
“They want to play for the country to pay tribute to their grandparents,” wika ni Felipe.
Handa namang tanggapin ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) ang dalawa lalo nga’t naghahanap talaga ang asosasyon ng Fil-Foreign talents para lumakas ang hangaring medalya sa SEAG.
Suportado ang aksyon na ito ng GAP ng Philippine Olympic Committee at irerekomenda nga ni POC chairman Monico Puentevella ang dalawa na makapagsanay sa China sa PSC kung makikitang may potensyal.