Tinapos na ng Ateneo
MANILA, Philippines - Dumaan man sa limang set ay hindi naman naunsiyami ang Ateneo sa hangaring titulo sa Shakey V-League nang iuwi ang 24-26, 25-18, 25-22, 19-25, 15-11, panalo sa palaban ding Adamson sa Game 2 na ginanap kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinawi ni Alyssa Valdez ang limang service errors nang magkaroon ito ng anim na attack points sa ikalima at huling set para tulungan ang Lady Eagles na mawalis ang best-of- three finals series nila ng Lady Falcons.
Tatlong sunod na kills nga ang pinakawalan ng 18-anyos na si Valdez para bigyan ng 13-9 kalamangan ang Lady Eagles sa huling set.
Nagkaroon ng four match points ang Ateneo nang mapalakas ang atake ni Michelle Laborte at kahit nabawi ni Nerissa Bautista ang isang puntos, 14-11, tinapos ni Thai import Kesinee Lithawat ang laban sa kanyang atake upang magdiwang ang mga panatiko ng Lady Eagles.
Ang kampeonato sa 8th season ng Ateneo ay una sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza. Higit dito, nakuha rin ng Lady Eagles ang unang malaking panalo sa women’s volleyball matapos manalo sa NCAA noon pang 1976.
“Bago ako sa collegiate level kaya lahat ng mga natututunan ko ay ginagamit ko upang mag-improve ako. Pagnatatalo kami pinag-aaralan ko kung ano ang mga pagkakamali ko para maitama ko,” wika ni Valdez na mayrong 24 hits mula sa 18 attacks, 4 blocks at 2 aces.
Naunsiyami naman ang hangaring ikalawang sunod na kampeonato ng Lady Falcons sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa.
Bagamat naipakita nila ang determinasyon nang maipanalo ang fourth set kahit ipinahinga ang team skipper na si Angela Benting dahil sa masamang laro, hindi naman natapatan ng Adamson ang matibay na laro ng karibal sa deciding set para makontento sa ikalawang pangalawang puwestong pagtatapos.
Magarang pagtatapos din ang ginawa ng La Salle Bacolod nang kunin ang ikatlong puwesto sa pamamagitan ng dominanteng 25-17, 25-21, 25-22, tagumpay sa National University sa unang tagisan.
- Latest
- Trending