3 Pinoy na lang ang natitira
Manila, Philippines - Patuloy ang paghahangad nina Dennis Orcollo, Carlo Biado at Lee Van Corteza sa kampeonato sa World Ten Ball Championships nang umukit ang mga ito ng panalo sa Last 32 kahapon sa World Trade Center sa Pasay City.
Pinawi ni Orcollo ang 4-7 iskor at kinapitalisa ang naisablay na one-ball ni Karl Boyes ng Great Britain para sa 9-7 panalo.
Gumuho na ang laro ni Boyes dahil sumablay din siya sa 1-10 kombinasyon at nag-scratch pa sa 14th rack upang maitabla ng World 8-Ball champion ang labanan sa 7-7.
Sablay uli si Boyes, dating World 8-ball champion, sa 2-7 combo sa 15th rack upang makatikim ng kalamangan sa unang pagkakataon si Orcollo bago tinapos ang laban sa 16th rack na kinatampukan ng pabandang tira sa 3-ball.
Si Biado naman ay dinomina ang kababayang si Ronnie Alcano sa 9-1 iskor habang si Corteza ay pinagpahinga na si Han Hao Xiang ng China, 9-4.
Minalas naman si Jundel Mazon sa laro nila ni Park Shin Yong ng Korea nang makawala pa ang 8-7 kalamangan para lasapin ang 9-8 masakit na kabiguan.
Dahil dito, tatlong Pinoy na lamang ang sasandalan papasok sa Last 16 na kung saan kalaro ni Orcollo si Wu Jiaqing ng China; si Biado ay masusukat kay Daryl Peach ng Great Britain at si Corteza ay masusubok kay Li Hewen ng China.
Si Wu, na dating pambatong manlalaro ng Chinese Taipei bago lumipat ng China ay nanalo kay Li Wen Lo ng Japan, 9-8; si Peach ay lumusot kay Shane Van Boening ng US, 9-6; at si Li ay nangibabaw kay Nick Van Den Berg ng Netherlands, 9-6.
Wala na rin sa labanan para sa titulo si dating World 9-ball champion Darren Appleton nang masilat siya kay Tamoo Takano ng Japan, 9-5.
Gaya ng Pilipinas, ang China ay mayroong tatlong manlalarong buhay pa habang dalawa naman ang sa Japan.
- Latest
- Trending