MANILA, Philippines - Magtatapos bukas ang pagpapatala para sa second leg ng MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) na hahataw sa Mayo 31-June 5 sa Pohang Badminton Courts sa Bacolod City.
Ang Bacolod event ay bahagi ng programa ng PBaRS para mabigyan ng pagkakataon ang mga players mula sa probinsya na makaharap ang mga magagaling na shuttlecockers at makakuha ng ranking points.
Tatanggapin ang mga entries hanggang alas-6 ng gabi sa PBaRS office sa No. 20 E. Maclang St., San Juan City.
Ang mga players na sumali na sa first leg ay hindi magsusumite ng kanilang NSO birth certificates o proof of citizenship. Para sa mga detalye ay mag-log on sa www.pbars.com o mag-email info@pbars.com.
Ang PBaRS series nationwide tournaments ay proyekto nina Vice President Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny Pangilinan.
Ang Davao ang mamamahala sa third stage sa Hulyo 31 hanggang Agosto 6 bago matapos ang circuit sa pamamagitan ng VP Grand Prix Badminton Open Championships sa Oktubre 22-29 sa Manila.