Gems diniskaril ang Sumos, sa quarters na
Manila, Philippines - Binulaga agad ng Cebuana Lhuillier ang Max Bond Super Glue ng kanilang larong pisikal upang masira ang diskarte ng huli tungo sa 73-58 panalo at makuha ang ikalawang awtomatikong quarterfinals seat sa Group B sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Trinity University Gym.
Napatalsik sa laro ang mga players na sina Ariel Mepana at Jun Jun Cabatu bunga ng flagrant foul 2 habang sina coaches Luigi Trillo ng Gems at Alfredo Jarencio ng Sumos ay nawala rin nang magkapormahan na lahat ay nangyari sa second period.
Nang magbalik sa aksyon ang laro, nagpatuloy ang dominasyon ng mas beteranong Cebuana Lhuillier upang mahawakan ang 41-28 bentahe sa half time bagay na hindi na nahabol pa ng mas batang Sumos.
Ang panalo ay ikaapat sa limang laro ng Gems upang makasama nila ang Cobra Energy Drink (4-1) na nakausad na sa quarterfinal round ng torneo.
Nakatikim naman na ng panalo ang Cafe France nang malusutan nila ang Junior Powerade, 85-83, sa unang laro.
Ang tagumpay ay tumapos sa apat na sunod na kabiguan ng Scorpions at magsisilbing motibasyon sa muling pakikipagtuos sa Tigers sa Mayo 24 para madetermina kung sino sa dalawa ang aabante sa Playoffs.
- Latest
- Trending