Manila, Philippines - Sinelyuhan ng Ateneo ang pagkikita nila ng Adamson para sa kampeonato ng 8th Shakey’s V-League First Conference sa pamamagitan ng 25-21, 25-20, 25-23, straight sets panalo sa National University sa pagtatapos ng semifinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nabigyan man ng mas magandang laban kumpara sa huling pagtutuos ay lumabas naman ang husay ng lalim ng talento ng Lady Eagles upang makuha ang ikalawa at huling finals seat sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza sa bisa ng 2-1 panalo sa best-of- three series.
Si Thai import Kesinee Lithawat ay mayroong 18 hits mula sa 12 kills, 4 blocks at 2 service ace bukod pa sa 10 excellent digs at nakatuwang niya sina Alyssa Valdez, Fille Cainglet at Jamenea Ferrer upang hindi makaisa ang Lady Bulldogs sa deciding game.
May 13 kills at 2 blocks si Valdez, 14 spikes naman ang ginawa ni Cainglet at 4 service ace naman ang kay Ferrer para sa Lady Eagles na nananatiling nakatuon sa hangaring kauna-unahang titulo sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa.
Si Lithawat ang siyang nagbida sa unang dalawang set nang masipat ang mga butas sa depensa ng Lady Bulldogs para mahawakan ang kalamangan.
Bumaba ang laro ng Ateneo sa unang yugto sa third set upang dalawang beses na mahawakan ng NU ang apat na puntos na abante, ang huli ay sa 13-9.
Pero rumatsada ang Lady Eagles ng 12 puntos sa sumunod na 14 na pinaglabanan para kunin ang 21-15 bentahe.
May 12 kills si Maricar Nepomuceno habang apat na blocks tungo sa 9 hits ang ibinigay ni Denise Santiago para sa natalong koponan.
Ang Game one sa best--of- three finals ay sisimulan sa Linggo sa nasabi ring palaruan.