Gabica, Biado nagpayanig sa WTBC
Manila, Philippines - Isang billiards coach sa Qatar at isang dating caddy sa golf ang umiskor ng magkakahiwalay na panalo para pangunahan ang tatlo pang Pinoy sa pagmartsa sa round-of-64 sa ikatlong araw ng 2011 WPA World Ten Ball Championship kahapon sa World Trade Center.
Pinayukod ng 2006 Doha Asian Games doubles gold medalist na si Antonio Gabica si Li Hewen ng China, 9-7, samantalang giniba ni Carlo Biado ang kababayang si Antonio Lining, 9-6.
“Inabot rin ako ng pressure. Nu’ng sumablay siya sa No. 2 at 8 ball bumigay na rin siya (Li),” wika ng 38-anyos na si Gabica, nakatakdang bumalik sa Qatar sa Mayo 21 kung saan siya nagtatrabaho bilang isang coach. “Kung hanggang saan ako aabot masaya na ako kasi maraming magagaling eh.”
Makakalaban ni Gabica sa round-of-64 si Liu Hai Tao ng China na nagposte ng 9-8 tagumpay kay Raj Hundal ng Great Britain.
Ang mga sablay na tirada ni Lining sa break ang nagbigay sa 27-anyos na si Biado, dating caddy sa golf, ng pagkakataon upang matumbok ang kanyang ikalawang sunod na panalo.
“Sabi ko sa sarili ko, kahit sino ang manalo sa amin Pinoy pa rin ang siguradong makakalaro sa round of 64,” ani Biado matapos ang kanyang panalo kay Lining.
Nanaig rin sa kani-kanilang mga laban ay sina Jericho Banares, Marvin Tapia at Demosthenes Pulpul.
Ginitla ni Tapia ang kababayang si Ruben Cuna, 9-5, samantalang binigo ni Banares ang kapwa Pinoy na si Joven Alba, 9-8, at sinorpresa ni Pulpul si Chang Jung Lin ng China, 9-5, sa losers’ bracket patungo sa money round.
Bukod kina Lining, Alba at Cuna, natalo rin sa kani-kanilang mga laban ang 17-anyos na si Jonas Magpantay kay Carlos Cabello ng Spain, 4-9, Mario Tolentino kay Johnny Archer ng United States, 2-9, at Edgar Acaba kay Ping Chun Ko ng Chinese-Taipei, 8-9.
Nauna nang pumasok sa round-of-64 sina Ronato Alcano, Dennis Orcollo, Venancio Tanio, Jeffrey De Luna at Roberto Gomez.
Makakatagpo ng 39-anyos na pambato ng Calamba, Laguna na si Alcano si Karlo Dalmatin ng Croatia, habang tatapatan ni Orcollo, ang gold medalist sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China, si Chinese Wu Jiaqing sa round-of-64.
- Latest
- Trending