MANILA, Philippines - Magarang panimula sa home and away Inter-City phase ng 2nd Coca Cola Hoopla NCR Championship, ang ginawa ng nagdedepensang Muntinlupa nang durugin nila ang Parañaque, 98-71 kamakalawa.
Sa Area 1 sa Parañaque isinagawa ang labanan pero hindi nakaporma ang home team dahil sa 18 puntos ni Karl Salvador at 15 pa ni Kevin Buenaflor at ang bisitang koponan ay agad na lumayo sa 40-27 sa first half para sa matibay na puhunan.
Sa iba pang laro, nanalo ang Binangonan sa Taytay, 81-80; ang Navotas ay umukit ng 91-77 panalo sa Caloocan; ang Quezon City ay may 129-88 tagumpay sa Pateros; ang Pasig lusot sa Marikina, 105-101; nanalo ang Malabon, 90-76 sa Valenzuela at Mandaluyong ay lusot sa Makati sa overtime, 97-95.
Tumayong bida para sa Binangonan ay si Russell Maybituin nang maipasok ang ala-tsambang 50-foot shot para mailusot ang isang puntos na tagumpay.
May 23 puntos naman si Jake Pond Davao para pangunahan ang Navotas ni Mayor John Rey Tiangco na nanaood ng laban.
Lamang ang Caloocan, 70-69, pero tinapos ng Navotas ang laro gamit ang 22-7 run.