BOSTON - Nagtala si LeBron James ng 35 points, habang may 28 si Dwyane Wade at 20 si Chris Bosh para igiya ang Miami Heat sa 98-90 overtime victory laban sa Boston Celtics at kunin ang 3-1 lead sa kanilang Eastern Conference semifinals series.
May pagkakataon na ang Heat na tapusin ang kanilang serye ng Celtics sa Miami.
“Wednesday night will be our greatest challenge that we’ve had with this group so far,” sabi ni Miami Fil-Am coach Erik Spoelstra.
Naglista sina James, Wade at Bosh ng pinagsamang 83 sa 98 points ng Heat bukod pa ang kanilang 35 sa 45 rebounds ng Miami.
Ang tatlo ang umiskor sa 12 points ng Miami sa overtime;
Tumipa si Paul Pierce ng 27 points para sa Celtics kasunod ang 17 ni Ray Allen , 10 ni Rajon Rondo at 7 ni Kevin Garnett.
Kailangan ng Celtics na ipanalo ang huling tatlong laro ng serye, dalawa rito ay sa Miami, para maidepensa ang kanilang Eastern Conference championship.
Sa Memphis, humugot si Kevin Durant ng anim sa kanyang 35 points sa third overtime para tulungan ang Oklahoma City Thunder sa 133-123 paggupo sa Memphis Grizzlies at itabla sa 2-2 ang kanilang Western Conference semifinals series,.
“This game is something people are going to be talking about for a while,” sabi ni Durant . “I’m glad I’m a part of it.”
Nakatakda ang Game 5 sa Oklahoma City sa Huwebes kung saan ang mananalo sa kanilang serye ang sasagupa sa Dallas Mavericks para sa conference finals.