Libis lumakas ang tsansa para sa QC slot sa NCR Championship
MANILA, Philippines - Pinalakas pa ng Libis ang paghahabol para maging kinatawan ng Quezon City sa Inter-City phase sa 2nd Coca Cola Hoopla NCR Championship nang manalo sa Masambong, 103-101.
Binalewala ng Libis ang 46-56 paghahabol sa halftime at 72-81 matapos ang ikatlong yugto nang magpasabog sila ng 31 puntos sa huling yugto habang pinosasan ang mga kamador ng kalaban gamit ang matibay na depensa sa larong ginawa sa Bernardo Park.
Sa iba pang laro, nanalo ang Commonwealth sa Kristong Hari, 87-76, sa Quezon City; ang Namayam ay nagdomina sa Hagdang Bato, 95-65, sa Mandaluyong; Bagumbayan sa North Signal, 116-55, sa Taguig; at Pinaglabanan sa Palatiw, 116-85, sa Pasig.
Ang laro ay iinit bukas sa pagsisimua ng Inter-City phase sa 10 magkakaibang lugar.
Ang labanan sa East ay sa pagitan ng Quezon City at Pateros sa ika-6 ng gabi sa Libis Covered Court sa Quezon City at Pasig laban sa Marikina sa alas-7 ng gabi sa Concepcion Uno sa Marikina.
Ang Caloocan ay lalaban sa Navotas sa ika-6 ng gabi sa Navotas Sports Complex at ang Valenzuela ay sasagupa sa Malabon sa ika-7 ng gabi sa Hulong Duhat Covered Court sa Malabon sa North games.
Katatampukan ng labanan sa South ay ang Parañaque at Muntinlupa sa ika-4 ng hapon sa Area 1 sa Parañaque at Pasay at Las Piñas sa ika-6 ng gabi sa Pasay Sports Complex.
Ang Cainta ay sasagupa sa Antipolo sa labanan sa West sa alas-6 ng gabi sa San Roque sa Cainta habang ang Binangonan ay lalaban sa Taytay sa ika-6 ng gabi sa Ynares Plaza sa Binangonan.
May kabuuang P500,000 ang premyong paglalabanan sa torneong suportado ni JB Baylon, ang PBA Powerade Tigers governor at director ng Public Affairs & Communications ng Coca Cola Export Corp.
Ang tatanghaling NCR champion ay magbibitbit ng P250,000.
- Latest
- Trending