MANILA, Philippines - Bigo si Bernabe Concepcion na ibangon ang nadungisang puri sa kamay ni Juan Manuel Lopez nang matalo siya sa di ganoong kilalang kalaban na si Juan Carlos Martinez ng Mexico kahapon sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Tila may takot pang lumaban si Concepcion na hayaan niyang magdikta sa unang limang rounds si Martinez bagay na naging pagkakamali nito dahil kulang ang nalalabing tatlong rounds para ipanalo ang sagupaan.
Dalawang hurado ang naggawad ng panalo sa Mexican fighter, 78-74, 77-75, habang 77-75 naman ang nakuha ni Concepcion sa ikatlo at huling hurado.
Nalaglag si Concepcion sa ikalimang kabiguan sa 34 laban at ikalawang sunod itong kabiguan matapos lasapin ang 2nd round KO pagkatalo kay Lopez sa labanan para sa WBO featherweight title noong Nobyembre.
Paborito ang 23-anyos tubong Virac, Catanduanes dahil isa siyang two-time world challenger sa featherweight pero anino lamang si Concepcion ng sarili kahit nagsanay siya sa Wild Card Gym mula pa noong Abril.
Bago natalo kay Lopez, bigo rin si Concepcion sa dating WBO champion Steven Luevano nang lasapin ang 7th round disqualification loss noong 2009 dala ng illegal punch.
Ang kabiguang ito ni Concepcion ay nangyari matapos bigyan ni Marlon Tapales ang sarili ng magarang unang laban sa US sa pamamagitan ng 60-54, 59-55 at 57-57 majority decision panalo laban kay Alejandro Solorio ng host country.
Parehong natumba sa laban na tumagal lamang ng anim na rounds sina Tapales at Solorio pero mas may lakas pa ang 18-anyos Filipino boxer sa huling mga rounds upang makuha ang hatol ng dalawang hurado.
Ito ang ika-17 panalo sa 18 laban ni Tapales habang nalaglag si Solorio sa kanyang ikalimang pagkatalo sa siyam na laban.