Krusyal na laban sa Adamson, Lyceum para sa huling Semis Berth sa Group A
MANILA, Philippines - Samahan ang Ateneo sa Final Four mula sa Group A ang pag-aagawan ngayon ng Adamson at Lyceum sa pagtatapos ng 8th Shakey’s V-League quarterfinals sa The Arena sa San Juan City.
Parehong may 1-1 karta ang Lady Falcons at Lady Pirates na papasok sa labang itinakda dakong alas-4 at ang mananalo ay sasalo sa Ateneo (2-1) sa susunod na yugto ng kompetisyon sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
“May sense of urgency sa amin na manalo sa larong ito para makapasok pa sa Final Four. Pero wala sa isipan namin ngayon ang magkaroon ng ikalawang sunod na titulo,” wika ni Adamson coach Dulce Pante.
Magkaroon naman ng winning momentum papasok sa semifinals sa ligang binigyan din ng ayuda ng Accel at Mikasa, ang nasa isipan ng University of St. La Salle sa pagharap sa talsik nang FEU sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang La Salle Bacolod ang kauna-unahang Visayan team na maglalaro sa Final Four at nais nilang pataasin ang kumpiyansa sa pamamagitan ng pag-sweep sa tatlong laro sa yugtong ito.
Ang National University nga ang makakasama ng USLS sa hanay ng Group B na uusad sa Final Four.
Mula sa 28-26, 25-10, 25-19, straight sets panalo ang Adamson laban sa Lady Eagles sa larong puwede namang ipatalo ng Ateneo matapos magkaroon ng 2-0 baraha at tiket sa Final Four.
Sina two-time MVP Nerissa Bautista at Angela Benting ang mga mangunguna sa Adamson na kampeon ng second conference sa 7th edisyon habang ang Lady Pirates naman ang ipaparada sina Mary Jean Balse at Dahlia Cruz para manatiling buhay ang asam na mahigitan ang tatlong sunod na ikatlong puwestong pagtatapos sa liga.
- Latest
- Trending