Best Import

Nalilimita na lang kina Paul Harris ng Talk N Text at Nate Brumfield ng Barangay Ginebra ang choices para sa best Import ng kasalukuyang PBA Commissio­ners Cup.

At tama lang naman ito dahil sa natulungan nila ang kani-kanilang koponan na makarating sa best-of-seven championship round.

Sa Game One ng Finals, nakapagpakitang-gilas agad si Harris na gumawa ng 28 puntos, 15 rebounds, dalawang steals at isang blocked shot. Si Brumfield ay nalimita naman sa sampung puntos, anim na rebounds at apat na assists.

Doon pa lang ay maraming nagsabi na mas versatile na performer si Harris kaysa kay Brumfield na sa shaded area lang mostly nago-operate.

Pero sa Game Two ay nabawian ni Brumfield si Harris at nagwagi ang Gin Kings sa Tropang Texters, 108-106 upang itabla ang serye, 1-all.

Si Brumfield ay nagtala ng 27 puntos, 15 rebounds, walong assists at tatlong steals. Si Harris ay gumawa ng 24 puntos subalit nalimita ng isang puntos sa huling quarter kung saan na-foul out pa siya mahigit na isang minuto ang natitira.

So, 1-all din ang score sa mga imports!

Pero paano ba talaga dapat piliin ang Best Import?

Kasi, kung halimbawang mas malalim ang criteria at bubusisiing maigi ang lahat, baka sakaling si Brumfield ang maging karapat-dapat na magwagi.

Bakit?

Kasi, si Brumfield ay import ng isang koponang hindi naman pumasok sa Finals ng nakaraang Philippine Cup. Si Harris ay import ng koponang nagkampeon sa Philippine Cup.

Ano ang ibig sabihin nito?

E, di mas malakas na team ang Talk N Text. Bilang Philippine Cup titlist, ito ang may pinakamahusay na all-Filipino line-up. Kumbaga’y hindi nito kailangan ng isang super import para mamayagpag. Kaya na ng lo­cals na dalhin ang team.

Kaya nga bago nagsimula ang torneo ay sinabi ni coach Vincent “Chot” Reyes na ang gusto niyang import ay isang mahusay na defender. Hindi nila kailangan ang scorer. Kailangan nila ng import na babagay sa sis­tema at iyon si Harris.

Sa kabilang dako, natural na kailangan ng Barangay Ginebra ng isang magaling na scorer at rebounder bilang import. Kasi nga’y tila kulang sila sa firepower sa pagkawala ni Jayjay Helterbrand. At kulang sila ng rebounder dahil sa may injury si Eric Menk at hindi ga­anong nagagamit. So, dalawang spots ang kailangang punan ni Brumfield. At nagtagumpay si Brumfield sa kanyang misyon na ihatid sa Finals ang Gin Kings, hindi ba?

Kung ito ang magiging basehan, may laban si Brum­field sa botohan.

Pero kanya-kanya din namang pananaw iyan, e.

Kung sana’y alam na natin kung sino ang nagkam­peon, mas madaling hatulan kung sino ang Best Import. E di yung import na kabilang sa champion team.

Subalit hindi naman tayo manghuhula at tanging sta­tistics at impresyon ang ginagamit natin upang madetermina kung sino nga ang Best Import.

Puwede bang dalawa na lang sila?

Show comments