Francisco 'di patatagalin ang laban para sa asam na title fight kontra Thai boxer
MANILA, Philippines - Kailangang tumagal ang laban upang manalo si Tepparith Singwancha kay Filipino champion Drian Francisco.
Ito mismo ang sinabi ng manager ni Singwancha na si Naris Singwancha sa disperas ng laban na gagawin sa Phetchaburi, Thailand ngayon para sa hawak na WBA interim super flyweight title ni Francisco.
“Drian is very good, very strong and Tepparith chance of winning is if he can survive up to six round,” wika ng Thai manager.
Kung kaya ito ng kanyang bata ay malalaman pero nakita na hindi pulido ang pagsasanay ng Thai challenger matapos ang weigh-in kahapon sa 13 Coins Grand Resort Hotel.
Tumimbang nga si Tepparith sa 115.2 pounds na lampas sa fight weight limit na 115 pounds. Sa eksaktong timbang naman pumasok si Francisco upang makita ang magandang kondisyon ng boksingerong nais na mapag-ibayo ang 20-0-1, 16KO karta.
Hindi naman nagpapadala si Francisco sa pagiging liyamado nito sa bakbakan bagkus ay buhos ang isipan sa asam na panalo para makuha na ang mithing title fight sa WBA champion Hugo Cazares ng Mexico.
Kasama ni Francisco sa kanyang delegasyon ang manager na si Elmer Anuran ng Saved By the Bell Promotions (SBB), ang amang si Deo, trainer Benny dela Pena, conditioning coach Juvie Encontro at sina Danny Anuran at Rod Nebiar ng SBB.
Si Tepparith ang ikalawang sunod na Thai na kalaban ni Francisco matapos ni Duangpetch Kokietgym na tinalo niya sa pamamagitan ng knockout noong Nobyembre para makuha ang interim title.
- Latest
- Trending