Manila, Philippines - Bigyan ng magandang simula ang host country sa 2011 ITU-K-Swiss Subic Bay International Triathlon (SUBIT) ang hangad nina LC Langit at Kim Mangrobang sa pagsisimula ngayon ng dalawang araw na triathlon event sa Subic Bay Freeport.
Mabigat ang laban ng dalawang pambato ng bansa sa Female Elite dahil sa paglahok ng mga bigating dayuhan sa karerang inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) katuwang ang Subic Bay Metropolitan Authority at handog ng K-Swiss.
Ang mga dayuhang kasali ay sina Hoi Long ng Macau, Simone Ackermann ng New Zealand, Natalie Van Coevorden, Maddison Allen at Amy Roberts ng Australia, Neiske Becks at Sarissa De Vries ng Netherlands, Machiko Nakanishi ng Japan at Fany Baysaron ng Israel.
Si Mangrobang naman ang mangunguna sa U-23 female habang si Philip Jurolan ang babandera sa male U-23.
Itatakbo rin sa araw na ito ang 13-15 mini-sprint at mainitan din ang labanan dahil magpapasiklaban ang mga kalahok dahil sa age group na ito lalabas ang posibleng maging pambato ng bansa sa Youth Olympic Games.
Sa Linggo naman gagawin ang tagisan sa Male Elite at ang host country ay pamumunuan nina Neil Catiil at Nikko Huelgas na makikipagtagisan sa 41 triathletes mula sa 19 na bansa.
Umabot sa record field na 722 triathletes ang kasali sa edisyong ito na pinakamalaki at tumabon sa dating 680 na lumahok sa nagdaang edisyon.