A standard sa Olympics aasintahin ni Torres
Manila, Philippines - Nakabangon na si Marestella Torres sa bangungot na hatid ng nagdaang Asian Games sa Guangzhou, China.
Si Torres ay muntik nang magkamedalya sa Asian Games nang makaunang lundag sa layong 6.49m. Pero sa di inaasahang pangyayari, foul ang sumunod niyang limang attempts upang malagay lamang sa ikaapat na puwesto.
“Wala na sa isip ko iyon. Experience na lamang,” wika ni Torres.
Binigyan ng 30-anyos tubong Negros Occidental ang sarili ng magandang pagbubukas sa 2011 nang manalo ng ginto sa Thailand Open na ginanap kamakailan sa Bangkok.
May 6.32m lundag si Torres upang talunin ang mga nakalabang sina Dariya Ahmedova ng Uzbekistan (6.27m) at Thitima Muangjan ng Thailand (6.14).
Dalawang kompetisyon nga ang nakalinya sa kanya sa buwan ng Mayo at ito’y ang Shizuoka Grand Prix sa Japan sa Mayo 3 at Daego Pre World Championships sa Korea sa Mayo 12.
Bagamat medalya ang pupuntiryahin ni Torres, isa pa sa magpapainit sa kanyang ipakikita ay ang maabot ang “A” standard na itinalaga ng International Amateur Athletics Federation (IAAF) para sa 2012 London Olympics.
“Ang A standard ay 6.75 meters habang ang B standard ay 6.65m. Ang best ko ay nasa 6.68m kaya kaunti na lamang ay abot ko na ang A standard. Kaya ito talaga ang goal ko sa taong ito,” ani pa ni Torres.
- Latest
- Trending