MIAMI--Tinulungan ng Miami supporting cast ang Heat mula sa ginawang final run ng Philadelphia 76ers para kunin ang 97-91 panalo sa Game Five patungo sa second round sa NBA playoffs.
Isinalpak ni reserve Joel Anthony ang dalawang freethrows para ilayo ang Miami sa huling 16 segundo upang iligtas ang Heat sa isa na namang fourth-quarter meltdown matapos maglunsad ang Philadelphia ng isang 10-0 run sa huling 82 segundo.
Tinapos ng Heat ang kanilang best-of-seven series ng 76ers sa 4-1.
Makakatapat ng Miami sa second round ang Boston Celtics.
Tumapos si Chris Bosh na may 22 points at 11 rebounds, habang nagdagdag naman si LeBron James ng 16 points.
Dinomina ng Philadelphia starting lineup ang starting five ng Miami kaya nagpalit ng kanyang estratehiya si Fil-Am Heat coach Erik Spoelstra sa second half sa paggamit sa kanyang mga reserves na sina Mario Chalmers at Anthony.
Pinamunuan nina Elton Brand at Andre Iguodala ang 76ers sa kanilang tig-22 points.
Sa Oklahoma City, pinantayan ni Kevin Durant ang kanyang best playoff performance sa paglista ng 41 puntos kabilang ang huling siyam upang imando ang Thunder sa 100-97 pananaig laban sa Denver Nuggets at isara ang kanilang first-round series sa 4-1.
Unang napanalunan ng Thunder, nakabangon mula sa siyam na puntos na pagkakabaon sa final 4 na minuto ng laro, ang kanilang first playoff series noong sila ay nasa Seattle pa noong 2005.
Inilagay ni Durant sa unahan ang Thunder sa kanyang dalawang freethrows may 46 segundo pa ang nalalabi.
Bago sinundan ito ng pagbutata ni Serge Ibaka ng dakdak ni Nene upang mapreserba ang kanilang kalamangan.
Sa San Antonio, pinalawig pa ng host team ang kanilang tsansa na makausad sa susunod na round matapos na igupo ang Memphis Grizzlies, 110-103 sa overtime at dalhin ang kanilang serye sa 3-2 deficit.