4 teams mag-aagawan sa unang panalo sa quarters
MANILA, Philippines - Lumapit sa hangaring puwesto sa Final Four ang pagtatangkaan ng Perpetual Help, Southwestern University at La Salle Bacolod sa pagsisimula ngayon ng Shakey’s V-League quarterfinals sa The Arena sa San Juan City.
Unang magtatangka ang Lady Altas na babangga sa Lyceum sa ganap na alas-2 ng hapon bago magkasubukan ang dalawang Visayan teams sa tampok na laro dakong alas-4.
Walong koponan na lamang mula sa 10 kalahok ang nananatili sa kontensyon sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Ang Perpetual Help at pahingang Ateneo ay mayroong 1-0 karta sa Group A habang ang SWU at USLS ay may ganitong record sa Group B nang makakuha ng panalo sa ibang kasama sa eliminasyon.
Tinalo ng Lady Altas at Lady Eagles ang Lyceum at Adamson habang ang USLS at SWU ay nanalo rin sa National University at Far Eastern University sa unang yugto ng kompetisyon.
Unang pagkakataon na nakaabante sa quarterfinals ang Lady Altas ngunit dapat agad nilang ibalik ang focus sa laro dahil di hamak na mas may karanasan sa kanila ang Lady Pirates.
Titibay naman ang hangaring maging kauna-unahang Visayan team na makaaabante sa Final Four ang mananalo sa tampok na laro.
Sapul nang buksan ng ligang suportado rin ng Accel at Mikasa ang pintuan sa mga koponan sa provincial teams ay wala pang pinalad na Visayan team na nakaabot ng semifinals.
Si Patty Orendain na siyang lumabas bilang number one scorer sa 18-hit kada laro ang mamumuno sa USLS katulong sina Floadele Dolar, Royce Quijano, April Hingpit at American import Jayde Hair.
Sina Rapril Aguilar, Danalie Baquiro, Anne Pido at guest player Erika Verano naman ang ipantatapat ng SWU.
- Latest
- Trending