2-0 sa Mavs, Celtics

BOSTON - Hindi naglaro si Amare Stoudemire sa second half at hindi nakita sa aksyon si Chauncey Billups.

Ngunit nangailangan pa rin ang Boston Celtics ng kabayanihan mula sa isa sa kanilang “Big Three” para sa kanilang 96-93 pagtakas sa New York Knicks sa Game 2 ng kani­lang first-round series.

“We were lucky to win,” sabi ni coach Doc Rivers matapos ang nasabing pa­nalo ng Boston sa New York na nakahugot ng 42 points kay Carmelo Antho­ny.

Isinalpak ni Kevin Garnett ang isang go-ahead basket sa huling 14 segun­do kasunod ang kanyang agaw sa natitirang 4.0 segundo upang ibigay sa Cel­tics ang 2-0 lamang kontra Knicks sa kanilang serye.

Si Billups ay may strai­ned left knee at hindi pa tiyak kung makakalaro siya sa Game 3 sa Madison Square Garden, habang si Stoudemire ay may back spasms.

Pinangunahan ni Rajon Rondo ang Celtics sa kanyang career playoff-high 30 points, 14 rito ay sa first quarter.

Sa Dallas, nakakuha ang Mavericks ng 21 puntos mula kay Peja Stokjakovic upang isuporta sa 33 puntos ni Dirk Nowitzki at pinigilan ng home team ang Portland Trail Blazers sa 101-89 panalo at kunin ang 2-0 lead sa kanilang serye kung saan ililipat ang Game 3 sa balwarte na ng Portland sa Huwebes.

Nagpasabog si Stojakovic, pinakawalan ng Toronto Raptors noong  Enero, ng limang triples at kinapos lamang ito ng isa para mailista ang kanyang season-high.

Bumandera naman si LaMarcus Aldridge sa Bla­zers sa kanyang tinapos na 24 puntos at 10 rebounds.

Show comments