MANILA, Philippines - Bukod sa pangunguna sa idinaos na 2011 Jr. NBA National Training Camp sa SM Mall of Asia ay tumulong din si NBA Legend at Hall of Famer AC Green sa layuning mapangalagaan ang mga dolphins.
Sa pamamagitan ng NBA Cares Activity noong Abril 11, si Green ay nakasama ni AG Sarno na nagpinta ng dolphin mural sa La Salle campus upang maipaalala sa lahat ang pangangailangan na maproteksyunan ang mga ito.
Ang aktibidades ay kasabay ng selebrasyon ng NBA Green Week na kung saan ang liga kasama ang mga manlalaro at opisyales ay nagtulung-tulong upang makalikom sila ng pondo na itutulong sa pagpapangalaga ng kapaligiran.
Si Sarno ay kilalang mural artist at isa sa mga nangunguna sa mga makabuluhang proyekto tulad ng pagpapangalaga ng dolphins.
Ang NBA ay nakikipagtulungan sa World Wildlife Fund-Philippines, sa mga ganitong proyekto sa buong bansa at nagbibigay tugon sa ilang problema patungkol sa climate change, pagtiyak na may sapat na makakain ang bawat isa at iba pang gawain na mayroong kinalaman ang proteksyon sa kalikasan at kapaligiran.