Francisco idedepensa ang titulo vs Thai boxer
MANILA, Philippines - Kung hindi na magbabago, sa Hunyo posibleng mapalaban si Drian “Gintong Kamao” Francisco sa lehitimong title fight sa WBA super flyweight division.
Ayon sa kanyang promoter na si Elmer Anuran ng Saved by the Bell Promotions, wala nang rason pa para makaatras ang WBA champion na si Huge Fidel Cazares para sa mandatory title fight, lalo na kung mananalo si Francisco kay Tepparith Singwancha ng Thailand sa labang gaganapin sa Petchaburi, Thailand sa Mayo 1.
“May offer na kami sa kampo ni Cazares pero marami silang rason na ibinibigay para hindi matuloy ang laban. Pero kung manalo si Drian sa labang ito, wala na siyang maikakatuwiran pa para hindi ito matuloy. Kaya sa tingin ko sa bandang Hunyo ito mangyayari,” wika ni Anuran.
Idedepensa ni Francisco ang kanyang titulong napanalunan noong Nobyembre 30 nang patulugin sa 10th round si Thai boxer Duangpetch Kokietgym na ginanap sa Nong Khai, Thailand laban kay Singwancha na mayroong ring record na 15-10-2.
“Kahit saan gawin ang laban ay lalaban ako para bigyan ng karangalan ang Pilipinas,” wika ni Francisco na mayroong 20 panalo at isang tabla bukod sa 16 KOs.
Dahil sa kahalagahan ng makukuhang panalo, matindi ang ensayong ginagawa ni Francisco sa pagsusuri ni trainer Benny dela Peña sa Touch Gloves gym sa Agoncillo, Batangas.
Ang 28-anyos tubong Sablayan, Mindoro Occidental ay sumabak na sa 120 rounds ng sparring laban sa mas malalaking kalaban upang mapalakas ang resistensya nito.
Makakatiyak naman na hindi basta-basta patatalo si Singwancha na nais na maipaghiganti ang kabiguang sinapit ng kanyang kababayan sa Filipino champion.
- Latest
- Trending